‘Di lang palakpak bagkus ay pagsaludo  

HINDI lamang basta palakpak bagkus ay kaakibat ang paghanga lalo na ang pagsaludo sa lahat ng mga kababayan nating atleta sa kanilang pagsabak sa Paris Olympics.

Sadyang nakakabilib ang ginawang paghingi nila ng paumanhin dahil sa pagkabigo.

Wala naman nais ay kabiguan at lahat ng makakaya ay sisikapin at gagawin subalit sadyang ganyan sa bawat laban o laro na mayroong nananalo at natatalo.

Kaya kung tutuusin kahit hindi naman humingi ng pasensiya pero dama sa kanilang puso ang paghingi ng paumanhin.

Bukod sa ibinigay na determinasyon at pagpupursigi ay lubhang saludo ang dapat igawad sa kanila partikular sa pasensiya na hinihingi nila.

Kasalanan ba ang kanilang pagkakatalo at ang hindi pagkakauwi ng medalya?

Marami nga na nakakagawa ng kasalanan at sa kabila na alam ang pagkakamali ay hindi marunong humingi ng sorry o pasensiya.

Malamang na mayroon kayong mga kakilala na ganyan na bukod sa ‘dedma’ ay matapang pa kahit may kasalanan na.

Tungkol naman sa usapin sa pamilya ng ating gold medalist ay hayaan na lamang siguro sa kanila ang isyu.

Pwede sigurong magkomento subalit huwag ang panghuhusga sa halip ay mainam ang pagbibigay ng advise.

Tandaan na wala tayo sa tamang posisyon para basta na lamang sumasawsaw.

Likas talaga na marami ang may taglay na mabilis sa panghuhusga.

Tiyak na marami rin kayong kakilala na ganyan.