Ikalawang Bahay-Wika para sa wikang Inata, binuksan na  

MAYNILA, (PIA) — Opisyal nang nagsimula ang taóng-panuruan ng programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) noong 5 Agosto sa Sityo Manara, Brgy. Celestino Villacin, Cadiz para sa wikang Inata.

Ang Bahay-Wika at MALLP ay ang language revitalization program ng KWF na tumutugon sa muling pagpapasigla ng mga nanganganib na wika sa Pilipinas katulad ng Inata.

Ito ay language immersion program para sa edad 2–4 na layuning magkaroon ng imersiyon ang mga bata sa wika sa loob ng Bahay-Wika. May 23 batang Ata ang kasalukuyang nakaenrol sa programa.

Samantalang ang MALLP ay pagtuturo ng tagapagsalita ng wika (master) na
nakatuon sa mga nasa hustong gulang (adult apprentice).

Sa kasalukuyan, may tatlong masters na nagtuturo sa anim na apprentice.

Kasama ang mga elder, lider, at ilang miyembro ng komunidad sa pagbuo ng mga materyal panturo na gagamitin sa Bahay-Wika.

Taóng 2017 naman nang sinimulan ang unang Bahay-Wika para sa wikang Ayta Magbukun sa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan. (KWF/PIA-NCR)