SIDE BY SIDE, WALANG LUTSA!  

Dahil sa walang lutsa ay walang hirap na bumanderang tapos ang paboritong kabayo na si Side By Side sa ginanap na 3 Year Old Maiden Race na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. HIndi na pinaporma ng hineteng si Rey M. Adona ang kanyang mga kalaban matapos ipakita ang husay ng kanyang sakay na si Side By Side. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang bida na si Side By Side, kasunod sa tabing balya si Raining In Manila, habang nasa ikatlong puwesto ang kakuwadra ni Side By Side na si Star Of The Show. Pagdating ng medya milya ay nakapirmis pa rin sa harapan si Side By Side, habang pinipilit ni Raining In Manila na makalapit sa kanya, pangatlo ng may pitong kabayong agwat si Star Of The Show at bumubuwelo naman sa likuran sina Wildcat at Music N Magic. Pagsapit ng far turn ay komportable pa rin sa unahan si Side By Side, unti-unti naman nauupos si Raining In Manila, habang sabay na rumeremate sina Star Of The Show at Wildcat. Pagpasok ng home stretch ay hindi na pinaporma ng winning horse ang mga humahabol sa kanya at tuluyan nang pinakain ng alikabok ang mga kalaban. Tinawid ni Side By Side ang meta ng may malayong kalamangan sa pumangalawang si Star Of The Show pero dahil coupled entry sina Side By Side at Star Of The Show ay ibibigay ang segundo puwesto kay Wildcat, samantalang tersero si Raining In Manila, habang pang-apat si Music N Magic. Nirehistro ni Side By Side ang tiyempong 1:29.2 (14-23′-24′-27′) para sa 1,400 meter race.