ISANG lalaki ang tumangay ng motorsiklo ng pulis na nakatalaga sa Southern Police District (SPD) na nakaparada sa harapan ng kanyang bahay sa Dasmarinas City, Cavite.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Dasmarinas Component City Police ang biktima na si Police Staff Sergeant Romulo Nestro y Cabuñas, 37, may-asawa, at residente ng 178, Pala-Pala Road, Barangay Sampaloc 1, Dasmariñas City.
Kinilala naman ang suspek base sa footage sa Closed Circuit Television (CCTV) na si alyas Omar, 32, binata, ng L-21, Naga Road, Evacom, Talon, Dos, Las Piñas City.
Ayon sa biktima, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo na Suzuki Raider 150 sa harapan ng kanilang bahay bandang alas-3:20 ng madaling araw.
Paggising niya ng alas-7:00 ng umaga ay wala na ang motorsiklo.
Nagsagawa siya ng backtracking sa CCTV kung saan nakita ang suspek na pumasok sa lugar at tinangay ang nasabing motorsiklo na tumakas sa direksiyon ng General Mariano Alvarez. GENE ADSUARA