Raiders Competition, hataw agad sa 2024 ROTC Games

ROTC GAMES SENATOR FRANCIS TOLENTINO

 

MAIGTING agad ang naging aksiyon sa Raiders Competition sa unang araw ng 2024 Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games makalipas lamang ang naging makulay na pagbubukas nito sa Cavite State University-Main Campus.

Nagkasubukan ang mga kadeteng atleta mula sa Philippine Army, Navy at Air Force sa unang obstacle na Physical Challenge subalit pansamantalang itinigil ang pangalawang hamon na single rope bridge crossing dahil sa biglaang pagbuga ng bulkan ng Taal ng mapanganib sa kalusugan na smog o vog.

Napuno naman ng pag-asa ang pagbubukas ng torneo matapos ihayag nina Senador Francis Tolentino, na siyang nagkonsepto at brainchild ng ROTC Games kasama ang panauhing pandangal na si Senador Joseph “Jinggoy” Estrada ang direksiyon ng multi-sports na torneo at dagdag na insentibo para sa magwawaging kadeteng-atleta.

Inihayag ni Tolentino na habang nagsasaya ang bansa sa tagumpay ng Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo ay may kabuuang 674 na pambansang atleta ang kabilang naman sa mga reservist na may tsansa na balang araw ay maging katulad din ng isinelebrang world class na gymnast.
“Nakikita na po natin ang future ng ating programa na mahalaga sa pagdedebelop hindi lamang ng ating mga atleta kundi pati na sa kabuuan ng ating pagiging mamamayan bilang Pilipino,” sabi ni Tolentino, na lubhang ikinatuwad din tulad ng mga atleta ang idinagdag na tulong ng kasamahan sa Senado na si Estrada.

Ito ay matapos na mangako si Estrada na bibigyan niya ng P20,000 insentibo ang kada isang atleta na magwawagi ng gintong medalya sa paglalabanan na 14 sports.

Hinamon din ni Estrada ang mga kadeteng atleta na tulungan ang bansa na mas lalong palakasin ang sangay ng militar sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa sports.

Ipinagpasalamat naman ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann ang pagsasagawa ng torneo na nakatuon sa mga atleta na nagmumula sa mga unibersidad at kolehiyo kung saan iniengganyo nito ang lahat na magtuon sa posibilidad na maging miyembro ng pambansang koponan.

“We, at the PSC, encourages you all, and we will support all of you, to give our your best and aspire to be one of our national athletes one day,” sabi ni Bachmann, na agad na nagbalik sa Maynila upang tugunan naman ang magsilbi sa pagbibigay ng award sa isinasagawa sa bansa na SEA V-League sa Ninoy Aquino Stadium.

Kabilang sa 2024 ROTC Games National Championships na may tema na, “Husay ng ROTC, Husay ng Kabataan” ang mga gold at silver medalists na nagwagi sa isinagawang tatlong qualifying leg una sa Bacolod City nakaraang Mayo 26 hanggang Hunyo 1, Mindanao leg noong Hunyo 23-29 sa Zamboanga City at Luzon leg sa Indang at Tagaytay noong Hulyo 26- Agosto 3.