Philippine Navy kampeon sa 2024 ROTC Games,

ROTC GAMES PRESS CONFERENCE PSC TECHNICAL HEAD ANNIE RUIZ

 

NAGBAHAGI naman ng karagdagang mahalagang kaalaman hinggil sa katatapos na Philippine ROTC Games si PSC Technical head Annie Ruiz na ginanap sa Cavite State University campus kung saan ay naging parte ng naturang okasyon ang campus school higit sa naging kaganapan ng naturang palaro. (REY NILLAMA)

 

Nakadiskubre ng dalawang shooter, isang boxer at kickboxer para sa pambansang koponan habang tuluyang iniuwi ng Philippine Navy ang pangkalahatang kampeonato sa natapos ng 2024 Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games National Championships sa Cavite State University (CAVSU).

Nakapagtala ang Navy ng 44 ginto, 19 pilak, 26 tanso para sa kabuuang 89 medalya upang tanghalin na pangkalahatang kampeon para sa best-of-the-best finals.

Nakamit naman ng Philippine Army ang may 42 ginto, 54 pilak at 77 tanso para sa kabuuang 173 medalya. Ang Air Force ay may 18 ginto, 27 pilak at 39 tanso para sa 84 medalya.

Inihayag naman nina Senador Francis Tolentino, na siyang may brainchild sa ROTC Games, kasama si Annie Ruiz, na PSC Technical head pati na reprensentante ng Department of National Defense, ang pagkakadiskubre sa dalawang kadeteng atleta sa Target Shooting, isa sa boxing, at isa sa kickboxing.

Ang dalawang shooter ay agad naman na idineklara ng mga namamahalang opisyals ng National Shooting Association of the Philippines na kanilang idadagdag bilang mga miyembro ng developmental pool at isasama sa pagsasanay at paghahanda para sa mga internasyonal na kompetisyon.

Tinukoy ni Senador Tolentino ang magkapatid na shooter na mula sa De La Salle University na sina Danielle Benjmin Cruz, na umiskor ng pinakamataas na 276 puntos, habang kasunod nito si Dexter Blinda Cruz na may 260 puntos para ibigay ang ginto at pilak na medalya sa Navy.

Pangatlo si Christian Baylon ng TUP (260 puntos) sa tanso. Ang gintong medalya ni Cruz ang nagtulak naman sa Navy para maangkin ang pangkalahatang titulo sa pangalawang taon lamang ng torneo para sa mga kadeteng atleta.

Sinandigan din ng Navy ang panalo ni Benie Tabaco-an ng University of Antique sa pagwawagi nito kay Army cadet Raffy Chagsan ng University of Baguio sa light welterweight division ng sport na boxing upang maungusan sa mahigpit na labanan ang nag-uwi ng pinakamaraming gintong medalya nakaraang taon na Army.

Tinanghal naman ang De La Salle University bilang pinakamahusay na High Educational Institution (HEIs) matapos na magwagi ng 25 ginto at 1 pilak kasunod ang Rizal Technological University-Boni Campus na may 16 ginto, 17 pilak at 11 tanso habang pangatlo ang University of Negros Occidental–Recoletos na may 6 ginto, 6 pilak at 4 tanso.