2024 PHILRACOM-PCSO “2YO MAIDEN STAKES RACE”  

Dinomina ng tersero liyamadong kabayo na si Constatic Offer ang laban sa katatapos na 2024 PHILRACOM-PCSO “2YO Maiden Stakes Race” na pinakawalan sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ng hineteng si Oneal P. Cortez ay sinisiw ni Constatic Offer ang kanyang mga kalaban matapos na bumandera mula umpisa hanggang meta, kaya panigurado na marami ang mag-aabang sa kanyang paglahok sa triple crown sa susunod na taon. Sa simula ay mala-kidlat na lumabas ng aparato ang bida na si Constatic Offer kaya nahawakan agad nito ang apat na kabayong kalamangan sa humahabol na si Catania, nasa ikatlong puwesto naman ang paborito na si District One, habang nasa likuran ang magkakuwadra na sina Easy Go Lucky at Easy Money. Pagsapit ng far turn ay namamayagpag pa rin sa unahan si Constatic Offer, pero pagpasok ng home stretch ay unti-unting lumalapit si Catania kaya nagkaroon ng bahagyang tensiyon sa harapan. Pagdating sa rektahan ay lalo pang natapyasan ang kalamangan ni Constatic Offer kaya binagsakan na ni Oneal ang kanyang sakay at rumesponde naman ang winning horse kaya muli itong lumayo para tawirin ang meta ng may tatlong kabayong bentahe sa sumegundo na si Catania. Tumersero si Easy Money at si District One ang pumang-apat. Nilista ni Constatic Offer ang tiyempong 1:12.2 (23′-23-26) para sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Antonio V. Tan Jr. ang ₱900,000 na premyo mula sa PHILRACOM at PCSO.