BARGE CARRIER, SUMADSAD SA DALAMPASIGAN SA CAVITE 

ISANG barge carrier ang sumadsad sa pantalan dulot ng malaking alon na epekto ng Bagyong Enteng  sa  Brgy Wawa 2, Rosario, Cavite.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sumadsad ang barge (TM-1900) bandang  alas-8:30 Lunes  ng umaga.
Sa salaysay ng mga nakasaksi,  galing umano ang barge sa laot at hinihinalang dahil sa lakas ng alon dulot ng bagyong Enteng  kaya  hindi na nakontrol na humihila  kaya mabilis na itong sumadsad sa pantalan.
Sinisikap na hilahin ng dalawang tag boat ang naturang barge subalit inabot na ito ng low tide ng dagat.
Pangamba ng mga mangingisda, na posibleng masira ang kanilang mga bangka maging ng mga kabahayan kung hindi agad ito maiialis sa naturang pantalan.
Personal na sinadya ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente ang lugar ng pinagsalpukan ng naturang barge upang alamin ang perwisyong idinulot nito sa mamamayan at bayan ng Rosario lalo na at nadale nito ang malaking bahagi ng pipe line ng Petron.
Nabitak din  ang ilang bahagi sa pantalan na nagdudulot ng pangamba sa maraming residente.
Pansamantalang nilagyan ng tubig ang loob ng barge upang bumigat ito.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Philippine Coast Guard  hinggil dito. GENE ADSUARA