Magkatuwang na imbestigasyon ng pulisya ng Tanauan City at Carmona City  

MAGKATUWANG na nagsagawa ng imbestigasyon ang Carmona City Component Police Station at Tanauan City Police Station hinggil sa insidente ng umano’y pagdukot at pagkamatay ng food panda delivery at pagkakasugat ng isang online seller.

Kinilala ang namatay na si John Mark Samonte, 24, at residente ng Brgy 124 Tolentino St., Liberted, Manila; habang ang sugatan ay si Marithe Ashley Tila, 21, ng 719 E. Rodriguez St., Malibay, Pasay City. 

Nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya sa itim na Mitsubishi Montero na may plakang NCK 5430 na gamit ng mga suspek.

Gayundin sa itim na Toyota Wigo na may plakang ABT 2885 na pagmamay-ari ng biktima na tinangay ng mga suspek. 

Batay sa ulat ng Carmona CPS, dinukot umano ang mga biktima  bandang alas-7:30 ng gabi sa harapan ng Water District sa Carmona Public Market, Brgy Maduya, Carmona City ng limang lalaki na nagpakilalang mga police officers.

Batay naman sa ulat ng Tanauan City Batangas Police Station, nakatanggap sila ng report  ng pamamaril sa Sitio Malipa, Brgy Malipa, Brgy Malaking Pulo , Tanauan City, Batangas bandang alas-9:40 ng gabi kung saan namatay si Samonte habang sugatan si Tila. 

Bunsod nito ay nagtulungan ang Carmona CPS at Tanauan CPS sa pagsasagawa ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV ) sa mga posibleng dinaanan at pagkakakilanlan sa mga suspek. 

Nakipag-ugnayan din sila sa tanggapan ng Provincial Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan na Mitsubishi Montero. GENE ADSUARA