4 motornapper, naperder    

HINDI umubra ang modus operandi ng apat na hinihinalang miyembro ng motornapping gang dahil napiktyuran ang galaw nila sa footage ng Closed Circuit Television (CCTV) makaraang tangayin ang motorsiklo ng branch manager ng kilalang food chain sa Naic, Cavite.     

Kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti Carnapping Act of 2016 ang kinaharap ng mga suspek na kinilala sa mga alyas na Perea, 20, construction worker, ng Brgy Ibayo Silangan, Naic; Abdon, 23, ng  Brgy Ibayo Silangan; Catahan, 21, ng  Brgy Sabang Naic; at Loyola, 27, ng Blk 77 Lot 12 Hyacinth Brgy Calubcob, Naic.

Inireklamo sila ni alyas Val, 29, may-asawa, ng Brgy Manilen Bago, Naic.

Sa ulat, bandang alas-1:00 ng madaling araw ay ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo na may kumbinasyon na kulay itim at violet  na Yamaha Mio Sporty at may plakang  NG32390 sa parking lot ng Jollibee, Naic branch sa Brgy Ibayo.

Kinabukasan pagkatapos ng kanyang duty ay nawawala na ang motorsiklo sa parking lot ng nasabing food chain. 

Base sa kuha sa footage ng CCTV, umalis ang isa sa mga suspek sakay ng motorsiklo sa D Spot Restaurant and Bar at pumasok sa BDO Intersection at dumaan  sa Jolibee Drive Thru pero wala namang binili at tumigil sa vehicle exit.

Sa isa pang kuha sa CCTV, makikitang may isa pang suspek na nakatayo kung saan nakaparada ang ninakaw na motorsiklo. 

Bumaba ang suspek sa kanyang motorsiklo at kunwaring nakipag-usap sa dalawa pa nitong kasamahan na mga naka-helmet saka may inabot na susi sa isa sa kanila.

Ilang sandali pa ay sabay-sabay na nag-alisan ang mga suspek at natangay na rin ang motorisklo ng biktima. 

Nagsagawa ng follow up operation ang Naic Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek base sa footage sa CCTV. GENE ADSUARA