MATAPOS ang mahigit sampung taong pagtatago ay hindi na nakapalag pa ang 54-anyos na driver at Most Wanted Person (MWP) sa Northern Samar makaraang basahan ng kaso at posasan sa kanyang tinutuluyan sa Imus City, Cavite.
Kinilala ang naaresto na si Ariel Vacunawa y Obeda, tubong Allen Samar, driver, at residente ng Brgy Lipata, Allen Northern Samar.
Sa ulat, nakipag-ugnayan ang Northern Samar Police sa mga operatiba ng Warrant Section ng Imus City Police Station hinggil sa impormasyon na nagtatago ang isang MWP Regional Level PR8 sa kanilang nasasakupan.
Bibit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Manuel F. Torrevillas Jr., Presiding Judge, Regional Trial Court , Branch 23 Allen, Norther Samar sa kasong murder na may petsang 2011 ay sumugod ang mga operatiba sa tinutuluyang bahay ni Vacunawa sa Brgy Malagasang 1F, Imus City, kung saan inaresto bandang alas-1:30 ng umaga.
Nabatid na tinakasan ng suspek ang kanyang kaso sa Northern, Samar at nanirahan sa Imus City.
Hindi naman pumalag si Vacunawa na pansamantalang nasa kustodiya ng Imus Component City Police saka i-turn over sa point of origin ang Northern Samar Police.
Wala namang inirekomendang piyansa ang hukom sa kaso ng suspek. GENE ADSUARA