TINAMBANGAN ng riding in tandem ang kapitan ng barangay at anak nito habang lulan ng sasakyan papauwi kamakailan sa San Juan, Ilocos Sur.
Ang namatay na ama ay 52-anyos habang ang anak ay 24 taong gulang, kapwa naninirahan sa Barangay Caronoan, sa bayan ng San Juan.
Sa ulat, ang ama ay naisugod pa sa Suero General Hospital sa Cabugao subalit idineklarang dead on arrival.
Nadala naman ang anak sa Pira Hospital sa Cabugao subalit inilipat sa Northside Doctors Hospital sa Bantay, Ilocos Sur, at umano’y binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas bunsod ng multiple gunshot wounds.
Isinagawa ng riding in tandem suspects ang pananambang sa Barangay Lapting, San Juan.
Nabatid na dakong alas-7:10 ng gabi ay lulan ang mag-ama sa Mitsubishi MV 100 van papauwi na galing umano sa cockpit arena at bumulaga ang hindi nakilalang mga suspek na nagsagawa ng pamamaril.
Nagsagawa ng pagsisiyasat ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo ng mga ito sa ginawang krimen. RUBEN LACSA