Mahirap ang maging mahirap  

MASIDHI ang pagnanasa ni ‘Aling Petra’ na maipasok sa drug rehabilitation center ang kanyang anak na lalaki na nasa hustong gulang na.

Kapos sa pinansiyal kaya walang kakayahan ang ginang na maipasok ang anak sa private rehabilitation.

Mayroon naman ibang paraan o solusyon at ito ay sa pamamagitan ng gobyerno.

Si Aling Petra ay may mga procedure na susundin at gagawin upang anak ay maipasok sa rehabilitasyon na nasa pangangasiwa ng pamahalaan.

Dahil gusto nga ng ginang na maiparehab ang anak sa rehabilitasyon ng gobyerno kaya ginawa niya ang mga dapat.

Nasa halos isang buwan ng pabalik-balik sa lower court si Aling Petra.

Halos iisa lang din ang naririnig na sagot sa katanungan niya sa nakakausap na court staff.

Sabi ni Aling Petra ay pirma na lamang ng huwes sa court order subalit palaging sagot sa kanya ng kawani ng hukuman ay hindi pa napipirmahan ni Judge.

Court order na lamang ang hinhintay ng ginang para maiproseso na sa rehabilitasyon ng gobyerno ang kanyang anak.

Bakit ba masidhi ang kagustuhan ni Aling Petra na maiparehab ang anak?

Bayolente na raw kasi ang kanyang anak at nagagawa ng makapanakit.

Pagpapakita lamang ito na sadyang mahirap ang maging mahirap o salat sa pananalapi at isa sa mga patunay lalo na kapag nagkasakit na walang-wala kaya sana naman ay maasahan natin ang pamahalaan upang hindi nangyayari ang kasabihang aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.