PATAY ang isang gunman habang sugatan ang rider na gumanti matapos pagbabarilin sa Silang, Cavite.
Inaalam ang pagkakakilanlan sa suspek na namatay sa pinangyarihan ng insidente habang pinaghahanap ang kasamahaan nito matapos na tumakas sakay ng motorsiklo.
Ginamot sa Velasco Hospital ang biktima na si Angelito Delos Santos Alfonso, nasa wastong edad, dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Brgy Balite 1st, Silang, paungo sa direksyon ng Silang town proper.
Nakasunod sa kanya ang mga suspek na magkaangkas sa isang motosiklo bandang alas-11:40 ng gabi.
Kasunod nito ay walang sabi-sabing pinaputukan ng hindi nabatid na kalibre ng baril ng back rider ang biktima.
Bagamam may tama ang biktima ay bumaba sa kanyang motorsiklo at tinangkang tumakas subalit sinundan siya ng mga suspek at muling pinaputukan.
Inilabas naman ng biktima ang dala niyang baril at pinaputukan ang back rider na nagresulta sa agarang kamatayan habang ang kasama nito ay tumakas.
Kahit may tama ng bala ay nagawang isugod ng biktima ang kanyang sarili sa ospital.
Inaalam kung ano ang motibo sa pamamaril at kung may dokumento ang baril na ginamit ng biktima. GENE ADSUARA