Nakatagong baril, buking sa rider

BUKING ang kalibre 45 na baril sa rider na tumangging painspeksiyon sa checkpoint dahil pinaharurot ang kanyang motorsiklo sa Gen Trias City, Cavite.

Kasong paglabag sa RA 4136 of the Revised Penal Code o the laws relative to Land Transportation  and Traffic Rules, to create  a Land Transportaion Commission  and for other purposes at RA10591  o Comprehensive Laws on Firearms and Ammunition ang kinaharap ng suspek na si alyas Edmund.

Sa ulat, nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga operatiba ng Gen Trias Component City Police Station sa kahabaan ng Gov. Ferrer Drive sa Brgy Tapia, Gen Trias City, Cavite bandang alas-10:00 ng gabi.

Pinapara ang minamanehong motorsiklo ng suspek na may plakang 2698 para inspeksiyunin. 

Pero imbes na tumigil ay pinihit ang motorsiklo at tumakas kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa nasakote ito.

Tinanong ang dokumento ng motorsiklo pero habang binubuksan ang kanyang dalang bag ay nasilip ang kalibre 45 na baril na may serial number na 299535 at bala nito na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. GENE ADSUARA