Nangangamoy pulitika na ba sa Kawit, Cavite?  

NAGSAGAWA kamakailan ang Abaya-Ramos tandem ng feeding program.

Ang naturang programa ay nakatakda dapat para sa mga residente ng Barangay Tabon, Kawit, Cavite.

Sa hindi inaasahang pangyayari kumbaga sa basketball na ‘last two minute’ ay bahagyang nagdulot ng kalituhan at kaguluhan.

Batay sa nakarating na impormasyon ay bunsod ng sinasabing hindi pagbibigay ng pahintulot na gamitin ang Aguinaldo School grounds para pagdausan ng feeding program.

Dahilan iyon kaya medyo nagkaroon ng tila kaguluhan bunga ng pagkalito ng mga residente ng nabanggit na barangay.

Kaagad namang kumilos ang grupo ng tambalang Abaya-Ramos upang maresolbahan ang nangyaring problema.

Ang feeding program ay kaagad naman nailipat sa Villa Ramirez Covered Court sa Tabon 1.

Ang idinulot lamang na resulta ay ang mga pobreng residente ng Tabon ang mistulang nasadlak sa naganap na kalituhan.

Hindi tuloy maiaalis sa mga residente kung bakit sa huling minuto o segundo ay nagbago ang pananaw o pasya ng nasabing paaralan.

Nagtatanong lamang po at nakalaan naman ang espasyo ng pahayagang ito para sa naturang paaralan batay sa kanilang paliwanag upang maintindihan naman ng mga residente roon.

Paano naman ang haka-haka ng iba na animo’y nangangamoy pulitika o eleksiyon na sa Kawit.

Hindi naman kaila na si dating 1st District Congressman Boy Blue Abaya ay naghain ng kanyang kandidatura para sa pagtakbo bilang Kawit mayor.

Sa naganap ng feeding program ay kasama ng dating kongresista ang kanyang bise na si Gerry Ramos at buong pwersa ng Team Abaya-Ramos.

Anyway, haka-haka lamang iyon pero huwag naman sana.