ISANG lalaki ang binaril ng security guard dahil sa tangkang pang-aagaw ng service firearm habang pinaghahanap ang dalawa nitong kasamahan kaugnay sa pagnanakaw ng baterya ng trailer truck at copper wires sa loob ng kumpanya sa Carmona City, Cavite.
Hospital arrest sa Philippine General Hospital (PGH) sa Mayniila ang suspek na si alyas Mario dahil sa tama ng bala sa leeg mula sa service firearm ni Josiel Barsuleo, security guard ng Marovill Consolidated Resources Corp., sa Brgy. Bancal, Carmona City.
Pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang kasama ng suspek na tumakas at dala ang tinangay na baterya at copper wires.
Sa ulat, naaktuhaan ni Barsuelo ang mga suspek habang tinatangay ang baterya ng trailer truck at mga copper ng welding machine bandang alas-11:50 ng gabi sa loob ng nasabing kumpanya.
Tinangka ni Barsuelo na pigilan ang suspek at arestuhin pero inagaw ang kanyang service firearm dahilan upang iputok ang baril.
Narekober mula sa suspek ang dalawang baterya ng trailer truck habang ang isa pang baterya at copper wires na nagkakahalaga ng P10,000.00 ay hindi na nakuha. GENE ADSUARA