BUMAGSAK na sa kamay ng pulisya ang suspek umano sa pagpatay sa lady broadcast journalist sa Zambonga City.
Ang 56-anyos na biktimang si Maria Vilma Rodriguez ay pinagbabaril dakong alas-8:45 ng gabi nitong Martes sa Comet St. Barangay Tumaga.
Ang biktima ay kasalukuyang nakaupo sa loob ng tindahan kasama ang ina, kapatid at pamangkin.
Bigla umanong sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima.
Nagawa naman maisugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival bunga ng umano’y tatlong tama ng bala ng baril na natamo.
Nagsagawa ng pagsisiyasat ang pulisya at nagkasa ng manhunt operation kaya ilang oras lamang ang nakalipas bandang ala-1:15 ng madaling araw ng Miyerkules ay nadakip ng mga awtoridad ang bumaril at pumatay sa naturang local broadcast journalist.
Sa paunang imbestigasyon ay sinasabing wala umanong kaugnayan ang trabaho ng biktima bilang mamamahayag sa pagpatay gayunman ay hindi pa nagbigay ang pulisya sa posibleng motibo ng suspek sa nasabing krimen.
Si Rodriguez ay radio program anchor para sa Barangay Action Center ng 105.9 EMedia Productions Network, Inc. RUBEN LACSA