Masa at bansa ang kawawa    

HINDI na napigilan ang bugso ng damdamin ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte.

Tuluyan ng kinalaban si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Damay pati ang nananahimik na yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Matindi ay ang pahayag ni VP Sara na paghuhukay sa bangkay at pupugutan ang matandang Marcos na ang ulo ay itatapon sa West Philippine Sea.

Bugso man ng matinding galit o kahit sabihing isang uri lamang ng pagbibiro ay sadyang manggagalaiti siyempre ang angkan ng mga Marcos.

Kaya nga ang anak ni President Bongbong na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ay hindi na rin naiwasang magsalita sa isyu.

Bagay na binanggit ng Pangalawang Pangulo na nauunawaan niya ang reaksyon at komento ng presidential son.

Tungkol pa rin sa usaping paghuhukay sa bangkay ni Marcos, Sr. ay napasama sa banat ni Inday si Justice Secretary Boying Remulla.

Sagot naman ng kalihim ay sanay na siya sa ano mang pambabatikos dahil iyon ay bahagi ng trabaho.

Tandem sina Bongbong at Inday na tumakbo sa pagkapangulo at bise noong eleksiyon sa pamamagitan ng Uniteam.

Magkaibigan man noon o hindi basta ang ipinakita nila sa publiko ay ang kanilang tandem na dalawa dati.

Ibig sabihin ay nagkasama sila pero sa ngayon ay lusaw na ang kanilang noon ay tandem.

Pagpapakita lamang talaga ito na sa larangan ng pulitika ay walang kaibigan at walang kasama na permanente.

Sabi nga ang tanging permanente ay ang pansariling interes.

Masa at bansa ang kawawa ng giyera sa pulitika.