Pulitika: pamana ni ama at ina  

PARA sa mga may kaya sa buhay o mayayaman ay hindi lamang salapi o ari-arian ang maaaring maipamana ng magulang sa anak o mga anak.

Kapag ang magulang ay pumasok sa pulitika at pinalad na nahalal ay mayroon pa silang maipapamanang iba.

Ang kanilang apelyido o pangalan ay maipapamana rin sa anak.

Unang pumapasok sa pulitika ang magulang, pwedeng si ama muna at kasunod na si ina o kahit sino pa man ang nauna basta parehong naluklok sa posisyon.

Hindi na pagtatakahan pa sakaling may anak o mga anak ang susunod sa yapak ng magulang na makakapasok na rin sa larangan ng pulitika.

Siyempre ay namana ng anak ang pangalan at apelyido ni ama at ina kaya sa pagsapit ng halalan ay liyamado na siya o sila sa laban.

Nangangahulugan na iba talaga kapag tanyag o kilala na ang kandidato sa eleksiyon dahil maliit ang posibilidad ng pagkatalo.

Ikaw ba naman, bitbit mo ang pangalan o apelyido ng iyong magulang kaya mamamana na rin iyon sa pagpasok sa pulitika.

Masasabi bang bwenas sila dahil dala-dala nila ang pangalan o apelyido ng magulang?

Ano pong say ninyo?

Pwedeng sabihing suwerte kung si ama at ina ay kapwa mayroong ipinakita at ginawang maganda sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Hindi kasi mapupulaan ng publiko ang anak na nasa pulitika na rin bunga ng magandang pundasyon ng magulang.

Kaya naman kailangan ingatan ng anak ang pamanang iyon ni ama at ina na pumasok sa pulitika.

Dapat ay pamarisan o kung kinakailangan ay higitan pa ang magagandang naisakatuparan ng magulang.

Pero kung hindi naman maganda ang imahe ng magulang sa larangan ng pulitika ay maaaring may hindi magandang buwelta sa anak.

Tandaan lamang na nasa pulitika man o wala ay sadyang isa sa mga pamana ni ama at ina sa anak o mga anak ay ang kanilang pangalan o apelyido na dapat iniingatan at pinapahalagahan.