PINAPURIHAN ni Brig. Gen. Eleazar Matta, hepe ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group ang lahat ng kanyang tauhan.
Ito ay hindi lamang dahil sa katapangan bagkus maging sa ipinapakita at ginagawa na mayroong integridad sa kanilang mga drung operation.
Ang naturang pahayag ay kaugnay ng iniulat ng PDEG na umabot sa P77.9 milyong halaga ng droga ang nakumpiska nila nitong Oktubre.
Resulta umano ito ng 71 operasyong isinagawa nila na humantong sa pagkakaaresto sa 80 indibidwal na sangkot sa iligal na droga.
Sa mga naturang operasyon ay naitala ang nasa 3.5 kg. ng hinihinalang shabu na nakumpiska.
Kabilang din ang 33 kg. ng kush, 33.04 kg. ng pinatuyong marijuana, at 45 ml ng marijuana oil.
Naitala rin ang 700 marijuana seedlings, at 2,800 fully grown marijuana plants.
Batay sa ulat, ang mga nasabing nakumpiskang droga ay nasa P77.9 milyon umano ang kabuuang halaga.
Ang PDEG ang pangunahing elemento o departamento ng pambansang pulisya sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa alinsunod na rin sa hangarin ng kasalukuyang administrasyon.
Tiniyak naman ng PDEG na mananatiling maayos ang kanilang laban kontra droga batay na rin sa direktiba ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil hinggil sa usaping karapatang pantao. RUBEN LACSA