ILANG insidente ng pambabasag ng kotse ang naitala ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa Cavite.
Ang salarin o mga salarin ay gumagamit o sumasakay ng motorsiklo pagkatapos ng pambabasag ng salamin ng sasakyan.
Madaling nakakapambasag at madali ring naisasagawa ang pagnanakaw na nasa loob ng sasakyan at lalong mabilis na tumatakas dahil nga gamit ay motorsiklo.
Ang pangunahing dahilan ng nakararami sa pagbili at paggamit ng motorsiklo ay bilang transportasyon para sa pagpasok sa trabaho o paaralan.
Gamit naman sa negosyo o hanapbuhay o sa kung saan o ano pa man.
Ibig sabihin na ang motorsiklo sa kanila ay para sa kabuhayan subalit sa maayos at malinis na pamamaraan.
Hindi katulad nitong mga basag kotse na ang motorsiklo ay gamit sa kasamaan.
Kung tutuusin ay mayroon naman silang motorsiklo kaya dapat ay gamitin iyon sa kabutihan para sa kabuhayan na hindi sa pamamaraan ng pambabasag ng kotse at pagnanakaw.
Kaya nga lamang ay sa kanila ba ang motorsiklo o nanghihiram lamang.
Dapat ay hindi rin basta nagpapahiram ang may-ari lalo at hindi alam kung saan o ano ang paggagamitan ng motorsiklo.
Hindi baleng masabihang maramot sa hindi pagpapahiram ng motor kaysa naman madamay sa kaso.
Anyway, kumikilos naman ang kapulisan ng lalawigan hinggil sa naturang mga insidente.
Para naman sa mga may-ari ng kotse o gumagamit ng sasakyan ay piliting nasa maayos na lugar ang pagpaparada.
Bago iwan ang sasakyan sa parking lot o area ay tiyaking walang mahahalagang gamit na maiiwan sa loob ng kotse.
Ang tatalas pa naman ng mga mata ng mga miyembro ng basag kotse, kahit tinted ay naaaninag o nakikita ang mga nasa loob ng sasakyan.
Mag-ingat po tayo sa basag kotse.