Pinuri ni Senador Loren Legarda ang pagsasabatas sa “The Bacoor Assembly of 1898 Act” na nagtatalaga sa Agosto 1 bilang “Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas.”
Binigyang-diin ni Legarda, ang principal sponsor at co-author ng Republic Act No. 12073, na ang kahalagahan ng Agosto 1, 1898 ay higit pa sa pagiging isang makasaysayang petsa lamang.
Aniya, ito ay kumakatawan sa isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas – ang paglagda sa Acta de Independencia ni Pangulong Emilio Aguinaldo at humigit-kumulang 200 nahalal na pinuno ng munisipyo mula sa labing anim na lalawigan.
“Ang kaganapang ito ay nagpapatibay ng ating kasarinlan at mga demokratikong mithiin gaya ng ipinahayag ni Apolinario Mabini,” sabi ni Legarda.
Sa pagpupulong noong Agosto 1, mahigit 200 pinuno ng mga bayan ang nag-endorso sa Deklarasyon ng Kalayaan, na ibinalangkas ni Apolinario Mabini. Ang paglagda ay sumisimbolo na ang Deklarasyon ng Kalayaan ay hindi lamang isang aksyong militar kundi isang kaganapang sibiko.
“Sa pamamagitan ng paggunita sa petsang ito, binibigyang-pugay natin ang mga sakripisyong ginawa ng mga nakipaglaban para sa ating kalayaan at ipinagdiriwang ang pangmatagalang pamana ng kalayaan at pagkakaisa,” ani Legarda.
“Ang pag-alaala sa Agosto 1 ay nangangahulugan ng pagkilala sa kahalagahan ng ating kasaysayan. Ito ay magsisilbing inspirasyon para sa lahat ng Pilipino na patuloy na ipaglaban at tunay na mahalin ang ating bayan,” pagtatapos niya.