KALUNUS-LUNOS ang sinapit na kamatayan ng pedestrian dahil tatlong beses nagulungan ng mga sasakyan habang tumatawid sa Carmona City, Cavite.
Sinusulat ito ay nasa Cardona Funeral Homes ang labi ng biktima na si alyas Joey, 55, construction worker, ng Karuhatan, Valenzuela City.
Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang mga driver na sina alyas Alejo, 67; Armando, 67; at Jerwin, 43.
Sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive, Barangay Bancal, Carmona City.
Papatawid ang biktima at nasagasaan ng minamanehong Isuzu Jeepney ni Alejo dahilan upang tumilapon ito sa kalsada.
Paparating naman ang minamanehong Toyota Inova ni Armando na tinangkang kontrolin ang sasakyan subalit nasagasaan din nito ang biktima.
Maging ang nakasaunod na Hyundain Stargazer na minamaneho ni Jerwin ay hindi rin nakontrol ang manibela at muling nagulungan ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. (Gene Adsuara)