Operations manager ng security agency, inireklamo ng 2 binatilyo  

INARESTO ng mga awtoridad ang operations manager ng security agency na inireklamo ng dalawang menor de edad makaraang paputukan umano sila ng baril sa Gen Trias  City, Cavite.

Kinilala ang inaresto na si alyas Emmanuel, 37, operations manager ng LGA Security Management Corp, at residente ng Phase 3 Blk 03 Lot 03 Sec 4 Belvedere, Brgy Pasong Kawayan 2, Gen Trias City, na inireklamo ng mga biktima na sina alyas Aaron, 17, at Gabriel, 16; kapwa residente ng Belvedere, Brgy Pasong Kawayan 2, Gen Trias City. 

Sa ulat, sinaway umano ng suspek ang dalawa sa Phase 3 Belvedere Brgy Pasong Kawayan, bandang alas-5:30 ng hapon na nauwi sa mainitang pagtatalo. 

Bunsod nito ay kinuha ng suspek ang kanyang kalibre 40 Taurus pistol  at ipinutok sa harapan ng mga menor de edad. 

Agad namang nagsumbong ang dalawang binatilyo sa mga awtoridad kung saan inaresto ang suspek  at narekober ang nasabing baril at isang magazine na may laman na 40 na bala. (Gene Adsuara)