TIMBOG ang isang Chinese national gayundin ang 28-anyos na babae sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa Navotas City kamakailan.
Ang naturang Chinese national ay 40-anyos na lalaki at siya kasama ang babae, na kapwa residente ng Barangay Manganvaka, Subic, Zambales, ay naaresto dakong alas-6:16 ng umaga.
Magkatuwang ang Northern Police District at Philippine Drug Enforcement Agency sa nasabing operasyon.
Sa naturang buy bust operation na isinagawa sa Navotas City ay nagresulta pa sa pagkakasabat sa hinihinalang shabu na tinatayang nasa P15.1 million ang halaga.
Nabatid na aabot sa 2,226.6 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa operasyon.
Nasa pangangasiwa ng Navotas City Police Station ang dalawang suspek na kapwa naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay naman nito ay pinuri ng liderato ng NPD ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. RUBEN LACSA