Tinambangan pagtapos ng putukan  

KAMATAYAN ang sumalubong sa pagpasok ng Bagong Taon sa isang lalaki habang sugatan naman ang kasama nito makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Dasmarinas City, Cavite.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktima na si alyas Johnny habang ginagamot sa Pagamutan ng Dasmarinas si alyas Christopher dahil sa tama ng bala sa katawan. 

Inaalam ang pagkakakilanlan nga tatlong suspek, isa rito ay armado ng kalibre ng baril, na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat, katatapos lamang ng putukan para sa pagsalubong ng Bagong Taon habang nakaistambay pa ang mga biktima sa harapan ng kanilang bahay sa Interfashion Brgy H2, Dasmarinas City, bandang ala-1:00 ng madaling araw ay sumulpot ang tatlong suspek.

Isa rito ay armado ng kalibre 38 na baril at walang sabi-sabing pinaputukan ang dalawa kung saan agad na nalagutan ng hininga si Johnny.

Nagtangka pang tumakas si Christopher upang humingi ng saklolo saka siya isinugod sa ospital. 

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi nabatid na direksiyon. (Gene Adsuara)