DEDO 40-anyos na construction worker makaraang pagsasaksakin ng kainumang naburyo sa Dasmarinas City, Cavite.
Naisugod pa sa ospital ang biktima na si alyas Mark, binata, ng Block 33 Lot 23, Brgy. St. Peter 2, Dasmariñas City, subalit namatay habang ginagamot dahil sa malalim na saksak sa katawan.
Kinilala naman ang suspek na si alyas Arjhay, 30, binata, ng Block 15 Lot 1, Brgy. St. Peter 1, Dasmariñas City, na tumakas matapos ang insidente dala ang ginamit na mahabang kutsilyo.
Sa ulat, bandang alas-12:10 ng hatinggabi naganap ang insidente kung saan kainuman ng suspek sa bahay nito ang biktima at ilang kaibigan na sa una ay maging masaya ang kanilang kuwentuhan.
Subalit dahil nakarami na ng nainum ay kung anu-ano na ang kanilang naging kuwentuhan hanggang sa hindi nagkaintindihan ang biktima at suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Upang humupa ang pagtatalo ng dalawa ay lumabas ang biktima kasama ang ilang kainuman at nagkuwentuhan sa labas ng bahay.
Pinaniniwalaaang minasama ng suspek ang pagkukuwentuhan ng biktima at ilang kainuman sa labas kaya lumabas din ito.
Pero may dalang mahabang kutsiyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa tiyan na ikinabagsak nito.
Bagama’t may tama ang biktima ay tinangkang tumakbo subalit hinabol pa rin siya ng suspek at pinag-uundayan pa ng saksak.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit namatay habang ginagamot. (Gene Adsuara)