ENERO 12 ng kasalukuyang taon ang pagsisimula ng election period sa ating bansa.
Ang campaign period ay magsisimula sa darating na Pebrero 12 para sa national posts habang sa Marso 28 naman ang sa lokal na posisyon.
Noong nakaraang taon pa lamang ay halata o kitang-kita na ang premature campaigning dahil sa naglipanang mga poster o tarpaulin kasama ang mga mukha ng ilang kakandidato sa iba’t ibang lansangan.
Kaya nakaramdam ng pagkadismaya rito ang Commission on Elections na hindi naman maiiwasang punahin at batikusin ng publiko.
Ang naturang premature campaigning ayon sa komisyon ay hindi nila naaaksyunan dahil sa paliwanag na ang mga mukha sa poster o tarpaulin ay hindi pa itinuturing bilang kandidato ng Supreme Court.
Kikilanin lamang bilang ganap na kandidato sa mismong pagsisimula ng panahon ng kampanyahan.
Nakakalitong panuntunan o batas na kahit magpaulit-ulit sa pagpapaalala ang komisyon ay mababale-wala lalo pa at nakararami ang kumakandidato na ‘atat’ o sabik sa maagang promosyon o pagpapakilala.