BISPERAS ng Bagong Taon, mag-a-ala siyete ng gabi ay mayroong magkaangkas sa motorsiklo na bumabaybay sa Barangay Amuyong, Alfonso, Cavite.
Ilang oras na lamang ay magpapalit na ng taon na walang kamalay-malay ang back ride na hindi na niya aabutin pa ang 2024.
Ito ay bunga ng disgrasya na mayroong kinalaman ang isang aso.
Habang bumabagtas ang motorsiklo ay isang aso ang papatawid na pilit na iniwasan ng rider.
Sa pag-iwas ng rider sa aso ay nawalan ng kontrol sa manibela kaya tumama sa gutter ang motorsiklo.
Tumilapon ang magkaangkas sa motorsiklo at nagawa naman na naisugod sa pagamutan ang dalawa subalit ang back ride ay idineklarang dead on arrival dahil sa matinding sugat sa ulo.
Nabanggit ko lamang ito dahil biglang sumagi sa aking alaala ang noon ay disgrasya sa motorsiklo dahil din sa aso.
Pero hindi tumatawid ang aso bagkus ay nanghahabol na ang masaklap ay hindi lamang isa sa halip ay limang aso.
Kasagsagan ng pagpapatakbo ng motorsiklo ay bigla-bigla ang pagsulpot ng limang aso na pawang malalaki at nanghahabol.
Mawawalan ka talaga ng kontrol sa manibela dahilan ng pagkakasalpok sa nakaparadang tricycle.
Medyo may damage ang traysikel habang bahagyang wasak ang single motorcycle dahil sa pagkakasalpok.
Injured din ang rider na ang masakit ay pagbabayarin pa sa nabanggang traysikel.
Dapat ay hindi dahil bawal ang parking sa lugar na iyon na kung wala sana ang nakaparadang traysikel ay posibleng nakalayo ang rider.
Natakasan sana ang humahabol na limang aso at hindi sumalpok sa nakaparadang traysikel.
Kaninong aso ito? Aso mo ba ito? Sa inyo ba ang aso?
Ang aso na nasa labas o lansangan kapag nakakagat o nakaperwisyo ay walang tao na aako na kanya ang aso o siya ang may-ari ng hayop.
Kung tutuusin ay mayroong pananagutan ang may-ari ng aso na nasa kalsada kapag ito ay nakaperwisyo.
Magsilbing babala na lamang na maging alisto sa mga aso sa lansangan habang kayo ay nagmamaneho.