Isang kapanapanabik na laban ang ating nasaksihan kung saan ay nanalo ang paboritong kabayo na si Andiamo A Firenze sa katatapos na 2024 PHILRACOM “Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Ginabayan ng hineteng si Jeffril Tagulao Zarate ay ibinida ni Andiamo A Firenze ang kanyang tatag sa unahan at tapang sa rektahan. Sa largahan ay sinunggaban kaagad ng ating bida na si Andiamo A Firenze ang unahan ngunit agad siyang hinabol ng magkakuwadra na sina Most Grateful at Red Queen para mabulabog sa harapan habang naka posisyon naman sa pang-apat ang deremate na si Mano Dura. Sa kalagitnaan ng karera ay unti-unting dumidistansya si Andiamo A Firenze kay Most Grateful at umabot pa sa limang kabayo ang kanilang agwat habang kumakaskas na sa pangatlong puwesto si Mano Dura. Pagsapit ng far turn ay tangan pa rin ni Andiamo A Firenze ang bandera pero dire-diretso naman ang malakas na pagremate ni Mano Dura habang nagkumpulan sa kanilang likuran ang iba pang kalahok. Papasok ng home stretch ay patuloy ang pagbulusok ni Mano Dura sa gawing labas kaya nakalapit na ito kay Andiamo A Firenze sa harapan habang paparating na rin sina Midnight Cat at Dreaming Always. Sa rektahan ay halos magpantay na sa unahan sina Andiamo A Firenze at Mano Dura kaya lalong tumindi ang tensyon sa laban ngunit hindi naman nagpasindak si Andiamo A Firenze at pagdating sa huling 100 meter ay nakaungos na ang winning horse. Sumegundo kay Andiamo A Firenze si Mano Dura, tersero si Midnight Cat at si Dreaming Always ang pumang-apat. Nirehistro ni Andiamo A Firenze ang tiyempong 2:05.6 (25′-23′-25-24′-27) para sa distansyang 2,000 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Joseph Dyhengco at co owner na si Felizardo Sevilla Jr. ang premyong ₱1.8M na may kasamang pang tropeo.