AMBASSADOR EDUARDO M. COJUANGCO JR. MEMORIAL CUP

Muling ibinida ng kabayong si Treasure Hunting ang kanyang angas matapos siluhin ang korona sa katatapos na 2023 PHILRACOM “Amb. Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Maganda ang naging diskarte ng hineteng si John Alvin Guce sa kanyang sakay na si Treasure Hunting na hindi nakipagsabayan sa unahan upang makaremate ng matindi sa rektahan. Sa simula ay maganda ang naging salida ng ating bida na si Treasure Hunting ngunit hinayaan niya muna na makabandera ang matulin na si Civics Class. Pagsapit ng back stretch ay nasa unahan pa rin si Civics Class, kasunod si In The Zone at nakapanood sa ikatlong puwesto si Treasure Hunting. Bago pumasok ng far turn ay pinakawalan na ni John Alvin ang winning horse kaya nagdire-diretso ang pagremate nito sa gawing loob at tuluyan ng inagaw ang bandera. Pagkakuha ng unahan ni Treasure Hunting ay sinabayan naman siya ni In The Zone upang makipag bakbakan sa harapan, habang kumakaripas sa ikatlong puwesto ang paborito na si Righteous Ruby. Pagdating ng rektahan ay hindi na maawat si Treasure Hunting at tinawid ang meta ng may limang kabayong agwat laban sa sumegundo na si In The Zone, dikit na tumersero si Righteous Ruby at pumang-apat si Shastaloo. Pumoste si Treasure Hunting ng tiyempong 2:05.4 (25-24′-25′-24′-26′) para sa distansyang 2,000 meter. Bukod sa tropeo ay kumubra din ang winning horse owner na si Dennis Tan ng premyong ₱3M bilang kampeon.