MARAMING dahilan kung bakit minsan ay tumatapang ang isang tao.
Sabi nga ay kapag lasing na ay lumalakas na ang loob at handa na sa pakikipag-away o mang-aaway dahil sa hiram na tapang sa alak.
Mayroon ding humihiram ng tapang sa baril.
Bakit nga ba nagdadala ng baril?
Alam naman natin na tanging mga law enforcer ang may karapatang magbitbit ng baril subalit ubra naman kahit sa pribadong mamamayan nasta may kaukulang pahintulot o lisensiya.
Katwiran ay bilang proteksiyon sa sarili sa banta ng kalaban o ano mang peligroso.
Pero dapat ay maging responsable sa pagdadala nito at hindi iyong ipagyayabang lalo na ang gagawing pananakot.
Tandaan na kaya nagpalisensiya ng baril ay dahil may banta sa buhay at ilalabas o gagamitin lamang ito kung sadyang kinakailangan.
Hindi dahil lamang sa may nakasagutan o nakaaway ay ibabalandra na ang baril.
Marami pa namang responsible gun owner at ang mga katulad nila ang marahil ay may karapatan sa pagdadala ng baril.
Ang may taglay na kayabangan ay hindi siguro dapat nililisensyahan ng baril.
Tanong nga lamang ay paano madedetermina ang isang taong mayabang?
Ang nabubuhay sa baril ay sa baril din mamamatay, ‘ika nga sa isang dating pelikula.
Enterpretasyon dito ay kung sa kasamaan o kayabangan ginamit o ginagamit ang baril.