ANO nga ba talaga ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)? Bakit ba ito tinututulan ng ilan? Sinu-sino nga ba ang mga tumututol dito?
Mahalagang malaman ng bawat mamamayang Pilipino na matagal nang nilagdaan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng lehitimong pamahalaan ng Pilipinas at ng bansang Amerika. Ito ay naganap nuon pang ika-28 ng Abril 2014, kung hindi ako nagkakamali ang naturang okasyon ay pinangunahan ni Department of National Defense Secretary Voltaire Gazmin at U S Ambassador to the Philippines Philip Goldberg. Ang nasabing paglagda sa kasunduan ay ginanap sa General Headquarters ng Armed Forces of the Philippines, Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City at ang pangulo pa ng Amerika ay si Barack Obama.
So, hindi lamang ito ngayon sa panahon ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Romualdez Marcos Jr kung hindi nuon pang panahon nang yumaong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ang ika-15th President of the Republic of the Philippines.
Ang EDCA ay mahalagang bahagi ng Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement (VFA) ng bansang Amerika at Pilipinas.
Nilagdaan ang EDCA sa paniniwalang maiiwasan ang panghihimasok ng Chinese forces sa West Philippine Sea na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas dahil naririto sa bansa ang mga US military personnel na ayon sa napagkasunduan ay mananatili ang mga sundalong Amerikano dito sa Pilipinas sa loob ng 10 taon simula nuong 2014.
Sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), makakapasok ang puwersa ng Amerika sa ilang mga kampo ng Armed Forces of the Philippines kung saan maaring ipuwesto ang mga fighter jets at barko de giyera nito.
Batay sa kasunduan, madadagdagan ang training opportunities ng dalawang panig, masusuportahan din ang modernization ng AFP at matutulungan itong matutukan ang maritime security, domain awareness at maging ayuda sa disaster relief capabilities ng bansa.
Ang layunin ng kasunduan ay hindi lamang upang pananatilihin ang katahimikan at seguridad sa rehiyon kung hindi bibigyan din ng kakayahan ang militar ng Pilipinas na makatugon sa mga lugar na tinatamaan ng mga kalamidad.
Base sa kasunduan, ang pananatili ng puwersa ng Amerika sa Pilipinas ay temporary at rotational basis ibig sabihin pansamantala lamang at hindi pansamantagal.
Sa kasalukuyan narito ang limang Philippine military bases sa ilalim ng EDCA, Benito Ebuen Air Base sa Cebu; Lumbia Airport sa Cagayan de Oro; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Antonio Bautista Air Base sa Palawan at Basa Air Base sa Floridablanca sa Pampanga na bukod pa sa mga planong itayo ngayong panahong ito.
Para na din sa kaalaman ng lahat una nang naglaan ang Estados Unidos ng $82 milyon para sa limang existing EDCA sites na pagpapakita lamang na sinusuportahan ng bansang Amerika ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng tulong nito.
Ang panibagong EDCA locations ay makatutulong din para sa mabilis na pagdating ng mga humanitarian at climate-related disasters assistance sa Pilipinas mula sa Amerika.
Sa palagay ninyo, sinu sino ang ayaw sa EDCA at takot na naririto ang mga pwersa ng Amerikano sa bansa at bakit?