Araw ng Kalayaan

NGAYON ay ginugunita ng Bansang Pilipinas ang “Independence Day” o sa wikang Pilipino ay “Araw ng Kasarinlán” o mas kilala sa tawag na “Araw ng Kalayaan”.

Ito ay isang national holiday dito sa Pilipinas na ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo taun taon simula nuong isagawa ang deklarasyon ng Philippine Independence o ating Kalayaan mula sa pagkakasakop ng mga Kastila nuong 1898.

Ang pinaka-unang naitalang pangyayari na may kaugnayan sa Araw ng Kasarinlan ay nuong pumunta sina Andres Bonifacio, kasama sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Guillermo Masangkay, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala at iilan pang mga Katipunero sa Pamitinan Cave sa Montalban, Rizal upang pormal na tanggapin ang mga bagong miyembro ng Katipunan.

Duon isinulat o iniukit ni Bonifacio ang mga katagang “Viva La Independencia Filipina! sa mga haligi nuong kweba upang maipahayag ang mithiin ng kanilang lihim na samahan. Pinangunahan din ni Bonifacio ang “Sigaw ng Pugad Lawin”, na hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Pilipino. Pinunit ng mga miyembro ng Katipunan, sa pangunguna ni Bonifacio, ang kanilang mga cedula bilang protesta sa pananakop ng mga Kastila.

Nagsimula ang Philippine Revolution noong 1896. Ang Kasunduan ng Biak na Bato, na nilagdaan noong Disyembre 14, 1897, ay nagtatag ng isang kasunduan sa pagitan ng pamahalaang kolonyal ng Espanya at ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Sa ilalim ng mga tuntunin nito, si Emilio Aguinaldo at iba pang mga rebolusyonaryong pinuno ay nagsitungo sa Hong Kong matapos makatanggap ng 400,000 piso mula sa Pamahalaang Kastila.

Sa kasagsagan ng digmaan sa pagitan ng Spain at America, nagtungo si Commodore George Dewey sa Pilipinas mula Hong Kong upang pamunuan ang U.S. Navy Asiatic Squadron na nakikipagbakbakan nuon sa Manila Bay. Nuong unang araw ng buwan ng Mayo 1898, nagapi ni Dewey ang mga sundalong Kastila sa Labanan sa Manila Bay, na siyang nagbigay daan para sa Amerika na kontrolin ang pamahalaang kolonyal ng Espanya. Kalaunan sa buwang iyon, inihatid ng US Navy si Aguinaldo pabalik sa Pilipinas. Ika-19 naman ng buwan ng Mayo taong 1898 ng dumating si Aguinaldo sa Cavite.

Ika-5 ng Hunyo taong 1898, naglabas ng kautusan si Aguinaldo sa kanyang bahay na matatagpuan sa noo’y Cavite El Viejo na nagpapahayag ng Hunyo 12, 1898 bilang “Araw ng Kalayaan.”

Duon din binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista, tagapayo sa digmaan at espesyal na delegado ni Aguinaldo ang “Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino” isang 21 pahinang deklarasyon na nilagdaan ng 98 Pilipino, na hinirang ni Aguinaldo kabilang ang retiradong opisyal ng artilerya ng Amerika na si Koronel L. M. Johnson. Dito din opisyal na nailabas ang watawat ng Pilipinas sa unang pagkakataon bandang alas 4:30 ng hapon, habang tinutugtog ng banda ng San Francisco de Malabon ang “Marcha Nacional Filipina.”

Ang “Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino” ay ipinahayag ng 190 pangulo ng munisipyo mula sa 16 na lalawigan na kontrolado ng rebolusyonaryong hukbo noong unang araw ng Agosto taong 1898 sa Bacoor, at opisyal na pinagtibay noong ika-29 ng Setyembre 1898 ng Kongreso ng Malolos.