TILA may ilang residente mula sa area ng Molino sa Bacoor City, Cavite ang nakakalimot sa itinatakdang oras sa paggamit ng videoke.
Alas diyes ng gabi ay dapat totally stop na sa pagkanta kahit nga ang pagpapatugtog o pakikinig ng music pati ang pagkukuwentuhan ay dapat alalay na lamang at hindi halos nagsisigawan.
Bilib tayo sa iba na kapag tumuntong na ang alas nuebe ng gabi bagaman tuloy pa rin sa pagvi-videoke dahil hanggang alas diyes naman ubra ay mga soft na lamang ang kinakanta.
Maganda naman talagang libangan ang videoke at hindi ito nawawala kapag may okasyon.
Pero dapat ay nagiging responsable tayo sa paggamit ng videoke.
Hindi kagaya ng isang grupo ng nag-videoke sa Molino sa Bacoor na animo’y ‘astig’ at tila ayaw na sinisita.
Por jos por santos, gabi na at sige pa rin sa kababanat sa pagkanta.
Mayroong hindi nakatiis subalit hindi naman sila pinagbawalan sa halip ay pinakiusapan na medyo hinaan na lamang ang volume.
Kung hindi ba naman ‘astig’ sukat na harapin ang nakikiusap pero may dalang patalim.
Siyempre ay matatakot iyong nakikiusap dahil ang humarap ay may dalang patalim.
Sadyang maraming ayaw napapagsabihan at nasisita bagkus ay galit pa sa kabila na mali na ang kanilang ginagawa.
Ang nakiusap ay hindi naman basta natakot dahil dumulog sa barangay para magreklamo.
Tama lamang na ireklamo ang mga ganyang klaseng tao na nakakaperwisyo na lalo na iyong may dalang patalim ay dapat kasuhan.
Sa pag-aksiyon ng barangay ay batay sa resulta ng paghaharap ng magkabilang panig sa pamunuan ng kanilang homeowner’s association.
Kung hindi magkakasundo roon ay saka pa lamang gagawa ng kaukulang hakbang ang barangay.
Magkasundo man o hindi dapat ay umaksiyon na ang barangay para nabibigyan ng leksiyon ang mga pasaway.
Ulitin natin, hindi masama ang mag-videoke dahil part ng okasyon iyan.
Maaaring dahil sa kasiyahan ay nakakalimot sa oras na kapag pinaalalahanan ng mga kapitbahay ay huwag ikakagalit.
At lalong huwag maglalabas ng patalim dahil malinaw na pananakot at pagbabanta iyan.