Badyet

ANG ang 2025 General Appropriations Act ay nalagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. dalawang araw bago ang pagtatapos ng 2024.

Dumaan naman umano sa matinding pagsusuri ni President Marcos bago ganap na nilagdaan ang 2025 national budget.

Sabi pa nga ni Executive Secretary Lucas Bersamin ay lubhang naging maingat ang Punong Ehekutibo para makatiyak na ang pondo ay mapupunta sa mga karapat-dapat.

Aba ay dapat lang naman dahil napakaraming Juan dela Cruz ang mayroong ambag sa ating pambansang badyet.

Speaking of budget, kailangang bawat isa sa atin ay matutong humawak ng badyet para sa pang-araw-araw na gastusin o pangangailangan.

Enero ngayon at ilang buwan na lamang o 11 months ay Disyembre na naman.

Magugulat tayo ay nasa panahon na naman muli ng Kapaskuhan dahil lubhang napakatulin ng pagdaan ng araw o panahon.

Natapos na ang Pasko at Bagong Taon na ang perang ginamit ba sa pagselebra ng mga ito ay mula sa ipon o savings?

Baka naman para makasabay lamang sa mga bonggang selebrasyon ay idinaan sa pangungutang pati ang pagbibigay ng mga regalo upang mawala masabi ang mga kaanak, kaibigan, kasamahan o sino pa man.

Hindi naman kaila na ang diwa ng Kapaskuhan bukod sa pagmamahalan ay ang pagbibigayan.

Walang masama sa pagbibigay kung ito ay sadyang nakalaan sa ating badyet.

Kaya ngayon pa lamang ay matutong humawak sa tamang badyet para mayroong maiimpok pagdating muli ng Kapaskuhan at hindi kung kelan gahol na sa panahon ay doon pa lang mag-iipon.

Sa mga mayayaman o sadyang nakakaangat sa buhay ay hindi problema sa kanila ang mga ganitong okasyon dahil sila ay hindi salat sa pananalapi.

Tayong mga ordinaryo o karaniwan lamang ang pamumuhay ay kailangang sasamahan ng tamang budget sa mga ginagastos upang hindi namomroblema pagsapit ng Kapaskuhan o ano mang okasyon.

Isama na rin natin ang mga biglaan at hindi inaasahang mga gastos tulad ng pagkakasakit at iba pa.

Kasama tayo sa national budget kaya isama na rin natin sa ating mga sarili ang mga tamang pamamaraan sa pagbabadyet.