SA ilalim ng kama nakuha ang baril na itinago ng isang lalaki matapos isilbi ang search warrant sa Caloocan City, kamakailan.
Bukod sa kalibre .22 na baril ay loaded pa ng limang pirasong bala na nakuha sa mismong ilalim ng kama ng suspek na si alyas Datu.
Nagkaroon ng ugnayan sa pagitan ng pulisya at barangay kaya nakumpirma na ang suspek ay nasa bahay nito sa No.308. Adelfa St. Brgy. 132, Bagong Barrio, Caloocan City.
Kaya naman nagsagawa ng pagpaplano na pinangunahan ni Capt. Zoilo T. Lopez, acting commander ng Bagong Barrio Police Sub Station 5 para sa pagsisilbi ng Search Warrant No. 397 na inisyu ni Executive Judge Hon. Raymundo G. Vallega ng Regional Trial Court, Branch 130, Caloocan City.
Ikinasa ng pulisya ang operasyon dakong alas-2:00 ng hapon kasama ang mga opisyal ng barangay sa nasabing bahay ng suspek.
Sa pagkakaaresto ay ipinaalam ng kapulisan ang mga karapatan ng suspek na naharap sa kasong paglabag sa (Sec. 28 of R.A. 10591 or Comprehensive Law of Firearms and Ammunition Act.) na nakadetine sa Bagong Barrio Police Sub Station 5.
Tiniyak naman ni Capt. Lopez na wala silang sisinuhin o sasantuhin ang mga dapat mananagot sa batas.
Bukod sa iligal na pagbebenta ng baril ay sangkot pa umano ang suspek sa holdapan at pagtutulak ng droga. (Istorya at larawan ni Christian Heramis)