MULI na naming dumale at nambiktima ang basag-kotse gang sa magkahiwalay na lugar sa Cavite.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Imus Component City Police Station ang mga biktimang sina alyas John, 29; at Carey, 32, kapwa Digital Marketing Specialist at residente ng Meadowood Executive Village, Brgy Paliparan 8, Bacoor City.
Sa kanilang reklamo, bandang alas-4:30 ng madaling araw ay ipinarada nila ang puti na Toyota Fortuner na may plakang DBG 8378 na pagmamay-ari ni alyas John sa Open Canal Road, Brgy Malagasang 2-C Imus City, upang kumain sa paresan kasama ang ilang kaibigan.
Pagkakain at pagbalik sa sasakyan ay bumulaga sa kanila ang basag na salamin na bintana sa passenger seat at nawawala ang isang Gentle Women shoulder bag na pagmamay-ari ni Carey na naglalaman ng mga ATM Cards at isang unit na Samsung S24+ na nagkakahalaga ng P64,000.00.
Samantala, mahigit sa P100K cash at gadget ang natangay sa nakaparadang Toyota Corolla sa Gen Trias City
Sa reklamo ng may-ari ng Toyota Corolla na may plakang AAK 1629 na si alyas Romnick, bandang alas-9:13 ng gabi ay ipinarada niya sa tapat ng Arch’s Dental Clinic sa Brgy San Francisco, Gen Trias City ang kanyang kotse at nagtungo sila ng mga kaibigan sa kalapit na Sibsarap Restaurant upang kumain.
Pagbalik mula sa restaurant ay bumulaga sa kanila ang basag na salamin sa kaliwang passenger seat at nawawala ang dalawang Tote bag na naglalaman ng iPad, 3 unit ng cellphone at cash na P100,000.00 habang sa isa pa ay isang iPad, cash na P2,000.00 at iba’t-ibang Identification cards.
Dalawang hindi pa nakikilalang suspek na inilarawan na kapwa nakasuot ng jogging pants at itim na jacket ang umano’y responsable sa naturang krimen.
Sinusulat ito, ang kaso ng basag-kotse ay pangwalo na naitala sa lalawigan. (Gene Adsuara)