Bastos ka ba?

NAKU, kung oo ay hindi ka dapat sasakay sa mga pampublikong transportasyon.

Tumalima na kaya ang mga public utility vehicle sa panawagan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board hinggil sa pagpapaskil ng mga karatula gaya ng  ‘Bawal Ang Bastos” loob ng sasakyan.

Hindi lang sa mga public transport, kung bastos ka ay bawal ka rin sa mga public place o sa mga lansangan, kahit sa trabaho o maging sa online gayundin sa iba pang institusyong pang-edukasyon.

Huwag balewalain ang Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.

Pero teka, paano ba attitude mo kapag nasa harap ng hapag-kainan?

Lalo na kapag mayroon kang kasabay sa pagkain, halimbawa ay ang pamilya o mga kaibigan.

Dahil mayroong kasabay kaya malamang na habang kumakain ay sinasabayan ng kuwentuhan.

Ang resulta, kahit ngumunguya o may laman ang bibig ay sige sa daldalan.

Matatapat ka pa roon sa tumatalsik pa ang butil ng kanin o ano mang kinakain habang nagsasalita.

Kadiri hindi po ba?

Hindi roon sa kadiri kundi sa kawalan ng right manners habang kumakain.

Noon, bawal ang magsalita habang may laman ang bibig o bawal magkuwentuhan sa hapag-kainan.

Dati nga ay nagdarasal muna bago kumain subalit sa ngayon ay kanya-kanyang labas ng cellphone para kuhanan ang mga pagkaing nakahain.

Ang mga ganitong gawi ay isang malinaw na pambabastos sa biyaya ng Panginoong Diyos na ipinagkaloob sa atin para pagsaluhan.

Sige, sabihin na nating nasa modernong panahon na kasi gayunman ay huwag sanang ialis ang pagdarasal bilang pasasalamat sa grasya.

Kung hindi rin maiwasan ang kuwentuhan habang kumakain ay huwag naman nagsasalita na may laman ang bibig o habang ngumunguya.

Pakatandaan na para hindi nababastos ay unang irespeto muna ang sarili.

Malalim at marami ang kahulugan ng katagang bastos.

Isa pa sa napakaraming halimbawa ay hindi ka naman kinakausap pero sumasabat ka sa usapan ng iba.

Ano ang itatawag sa iyo, bastos ka ba?

Siyempre, oo bastos.