BEBOT, TIGOK SA PANANAGA NG KINAKASAMA  

HINIHINALANG dahil sa selos kaya tinaga ng jungle bolo at napatay ang 47-anyos na babae ng kanyang kinakasama sa harapan mismo ng kanilang dalagitang anak sa Indang, Cavite.  

Kinilala ang napatay na si alyas Rosalie, ng Brgy Kayquit 1, Indang, na nataga sa katawan gamit ang binakoko o jungle bolo.

Naaresto naman sa follow up operation ang suspek na si alyas Willy, 40, magsasaka, ng nasabing lugar.

Sa ulat, bandang alas-8:30 ng gabi ay nakatanggap ng tawag ang Indang Municipal Police Station hinggil sa natagpuang babae na wala ng buhay sa hindi  sementadong daan sa Brgy Kayquit 1.

Agad namang rumesponde ang Indang MPS at naabutan ang biktima na wala ng buhay at may taga sa katawan.

Sa imbestigasyon, naglalakad ang dalawa kasama ang kanilang 14-anyos na dalagitang anak patungo sa kubo nila bandang alas-6:30 ng gabi.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa ginawang pananaga ng lalaki sa babae. 

“Wala pa namang third party ang iniuugnay sa pagseselos ng lalaki pero madalas umanong niyang sitahin kanyang misis dahil sa pag-aayos nito sa katawan at pagkokolerete’ ayon kay Police Major Edward Cantano, hepe ng Indang Police Station.

Dagdag pa ni Major Cantano na lasing ang suspek ng isagawa ang krimen.

Naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow up operation kung saan narekober ang jungle bolo (binakoko) na ginamit sa pananaga. GENE ADSUARA