Dehado ang bumungad noong nakaraang linggo matapos manalo ang kabayong si Binibini sa ginanap na PHILRACOM Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 5 (5) Placer na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Naging agresibo ang hineteng si John Marlon Dela Cruz sa ibabaw ng kanyang sakay na si Binibini upang masolo ang unahan at makalayo sa rektahan. Sa simula ay maganda ang naging salida ng ating bida na si Binibini ngunit bumuka ito ng bahagya kaya pansamantalang nahawakan ni Winsome Maxinne ang bandera. Pagsapit ng back stretch ay nag-aapurang inagaw ni Binibini ang bandera kay Winsome Maxinne, nakaabang naman sa pangatlong posisyon si Baling Rikit at nagkumpulan sa likuran ang iba pang kalahok. Pagdating ng far turn ay patuloy ang pag-arangkada ni Binibini sa unahan, habang humaharurot sa pangalawang puwesto si Baling Rikit, nalipat naman sa pangatlo si Winsome Maxinne at rumeremate na rin si I Love Matty. Pagpasok ng home stretch ay ganado pa rin sa pagtakbo ang winning horse kaya lalo pang lumobo ang kanyang kalamangan pagtawid sa meta. Pumorkas kay Binibini si Baling Rikit, pasok sa trifecta si Winsome Maxinne at si I Love Matty ang bumuo sa quartet. Nirehistro ni Binibini ang tiyempong 1:27.8 (14-23′-23′-26′) para sa distansyang 1,400 meter.