Nagwagi ang super outstanding favorite na kabayo na si Blame The Ghost sa pambungad na karera na “3 Year Old & Above Maiden Race” na ginanap noong nakaraang linggo sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lakas ng loob at tamang diskarte ang ipinamalas ng apprentice rider na si Ber Jomel Galleta upang manalo at mapatunayan na hinog na sa laban ang kanyang sakay na si Blame The Ghost. Sa simula ay hindi maganda ang naging salida ng ating bida na si Blame The Ghost kaya hinayaan niya munang mauna sina Galactus at Boss Uno. Pagsapit ng medya milya ay tangan pa rin ni Galactus ang bandera, kasunod si Boss Uno at nasa ikatlong puwesto si Blame The Ghost. Papasok ng far turn ay halos magpantay sa unahan sina Galactus sa bandang gitna, Boss Uno sa gawing labas at Blame The Ghost sa tabing balya, ngunit dahil sa malakas ang loob ni Ber Jomel ay isiniksik niya pa rin sa tabing balya ang winning horse dahilan upang makalamang pagsungaw ng rektahan. Pagdating ng home stretch ay tuluyan ng lumobo ang kalamangan ni Blame The Ghost at tinawid ang meta ng may malayong agwat laban sa sumegundo na si Boss Uno, tersero ang dehado na si Sunshine Jeune at si Galactus ang pumang-apat. Nirehistro ni Blame The Ghost ang tiyempong 1:29.6 (14-23′-24′-27′) para sa 1,400 meter race.