NAKATAKDA sa darating na Oktubre ang halalan para sa barangay at sangguniang kabataan.
Ang sabi naman ng Commission on Elections ay handa na sila para rito.
Sa katunayan sabi pa ng komisyon, ang 92 milyong balota ay naimprenta na para gagamitin sa nakatakdang eleksiyon.
Ang statement of votes, election returns, at iba pang election paraphernalia ay kasado na rin.
Ang mga guro at iba pang magsisilbing electoral boards ay sasailalim sa pagsasanay sa Setyembre o isang buwan bago ang halalan.
Sa usaping vote buying ay may paghahanda na rin ang Comelec sa pamamagitan ng binuong komite hinggil dito.
Kailangan dito ang ibang sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Nariyan din ang National Bureau of Investigation at Integrated Bar of the Philippines maging ang Public Attorney’s Office.
Tuwing nagdaraos ng halalan sa bansa ay sadyang kakambal na ang isyu sa vote buying.
Pero teka…
Ano itong inilabas na pahayag ng PNP hinggil sa mahigit apat na daan (400) opisyal ng barangay na sinasabing sangkot sa iligal na droga.
Batay umano ito sa intelligence ng PNP na nakarating sa kanilang impormasyon.
Sinasabing marami sa Region 6 pero mayroon din umano sa Metro Manila.
Kaya naman nakatutok dito ang pambansang pulisya.
Dapat siguro kung hindi man tumbukin ang pagkakakilanlan ng mga barangay official ay banggitin ang mismong mga lugar.
Anu-anong barangay sa Region 6 at sa Kalakhang Maynila?
Posibleng alam naman na ito ng mga residente subalit mas pinipiling maging bulag, pipi at bingi dahil nga naman nasa impluwensiya o kapangyarihan ang kalaban sa droga.
Hinihintay na lang marahil ay ang barangay elections baka sakaling hindi na makakapuwesto ang mga may kaugnayan sa drugs.
Sana nga, pero paano kung gagamitan ng pera, koneksiyon, at impluwensiya?
‘Wag naman sana, paano kung may kasama pang dahas o pananakot?