NAKATANGGAP ng cash reward ang limang mangingisda matapos magsauli sa mga awtoridad ng natagpuang lumulutang na milyong pisong halaga ng shabu sa baybaying dagat sa Ilocos Norte kamakailan.
P25,000 bawat isa ang natanggap ng limang mangingisda na nagmula sa mga barangay ng Bobon, Burgos; Davila, Pasuquin; at 32-B La Paz, pawang sa Laoag City.
Nabatid na ang naturang droga na nabawi sa Ilocos Norte nitong Hunyo at Hulyo ay tinatayang nasa 6,219.86 gramo at may estimate value na P42.2 million.
Pinangunahan nina Ilocos Norte Governor Matthew Joseph Manotoc at Ilocos Norte Police Provincial Office Director Col. Frederick Obar ang pamamahagi ng nasabing cash reward.
Isinagawa ito sa selebrasyon ng Philippine Councilors League Week kasabay na rin sa pagkilala sa civil servant’s month.
Nauna rito ay nagbigay na ang Philippine Drug Enforcement Agency sa mga mangingisda ng halagang P5,000 per pack sa bawat natagpuang shabu.
Ayon sa PDEA-Ilocos, mahalaga ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng komunidad sa paglaban at pagsugpo ng iligal na droga. RUBEN LACSA