ARESTADO ang Chinese national na nanutok ng baril sa asawa ng empleyada nito na magsusundo lamang sa Kawit, Cavite.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Kawit Municipal Police Station ang biktima na si Romelle Feliciano Angeles, 30, ng 513 Congbalay Legaspi St., Brgy Congbalay, Kawit.
Kinilala naman ang suspek na si Zhiming Lu, 35, negosyante, ng 12289 Brgy Samala-Marquez, Kawit.
Sa reklamo ni Angeles, nagtungo siya sa bahay ng suspek upang sunduin sana ang kanyang asawa na nagtatrabaho bilang kitchen helper doon bandang alas-8:30 ng umaga.
Subalit imbes na ang asawa ang lumabas ay ang suspek at sa hindi nabatid na dahilan ay tinutukan umano siya ng baril sa ulo.
Sa takot ng biktima ay umalis na lamang at dumiretso sa pulisya upang magreklamo na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at narekober ang isang kalibre 9mm na baril at anim na bala.
Wala namang naipakitang dokumento ang suspek sa papeles ng kanyang baril na naharap sa kasong Grave Threat at paglabag sa RA 105911 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Gene Adsuara)