Rumesbak ang kulay abo na kabayo na si Boss Emong matapos pulbusin ang kanyang mga katunggali sa katatapos na 2023 Philracom “Classic Cup” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Mahusay ang naging diskarte ng hineteng si Jeffril Tagulao Zarate sa ibabaw ni Boss Emong na hindi pinuwersa ang kabayo, kumuha ng tamang puwesto at nag-abang ng tamang tiyempo upang manalo. Sa simula ng laban kagaya ng inaasahan ay bumandera kaagad ang matulin na si (1)Sky Shot na nirendahan ni Fernando Raquel Jr., kasabay sa pag-arangkada si Big Lagoon na ginabayan ni John Alvin Guce, pangatlo sa gawing labas ang ating bida na si Boss Emong, kasunod si Robin Hood na pinatungan ni Jeffrey Bacaycay, panlima si Gomezian na pinatnubayan ni Oneal Cortez, habang si (1a)Don Julio na sinakyan ni Conrad Henson ang bugaw sa simula. Pagpihit sa back stretch ay ang segundo liyamado pa rin na si (1)Sky Shot ang nagdidikta sa unahan, habang nakadikit pa rin ang paborito na si Big Lagoon, nakapanuod at nakaabang naman sa ikatlong puwesto ang tersero liyamado na si Boss Emong, pang-apat ang kuarto liyamado na si Gomezian, panlima ang kacouple runner ni (1)Sky Shot na si (1a)Don Julio, habang ang pinakadehado na si Robin Hood ang nalipat sa likuran. Pagsapit sa far turn ay halos magpantay sa harapan sina (1)Sky Shot sa pinakaloob, Big Lagoon sa bandang gitna at Boss Emong sa gawing labas, habang humahataw sa tabing balya si Gomezian, kasabay ang pagkaskas ni Robin Hood. Pagpasok sa home stretch ay naagaw na ni Boss Emong ang bandera mula kina (1)Sky Shot at Big Lagoon, ngunit malakas ang dating ni Gomezian sa gawing loob at muling nagbabadya si Big Lagoon na makadikit, kaya pinitikan na ni Jeff ang kanyang sakay na nagresulta sa pag-usad ni Boss Emong. Pagdating sa huling 100 meter ay malinaw na ang kalamangan ng ating winning horse at patuloy pang lumayo bago makatawid sa meta. Sumegundo kay Boss Emong si Big Lagoon, tersero si Gomezian at pumang-apat si Robin Hood. Naorasan si Boss Emong ng tiyempong 1:50.4 (13′-23-23′-24-26′) para sa distansyang 1,800 meter. Bukod sa tropeo ay nakapag-uwi din ang winning horse owner na si Mr. Kennedy Morales ng premyong P1.5M bilang kampeon. Kumubra din ang koneksyon ni Big Lagoon ng P562,500 bilang 2nd place. Nakahamig din sina Gomezian at Robin Hood ng P312,500 at P125,000 bilang 3rd at 4th placer mula sa Philracom. Ang 2023 Philracom “Classic Cup” ay inilarga bilang parangal sa yumaong Commissioner Atty. Victor V. Tantoco. Maraming salamat Tito Vic Tantoco sa lahat ng naiambag niyo sa industriya ng karera. May you rest in peace. Mananatili kayo sa puso at isipan ng bayang karerista.