COOL SUMMER FARM JUVENILE STAKES RACE

Magaan na sinikwat ng paboritong kabayo na si Every Sweat Counts ang korona sa katatapos na Cool Summer Farm Juvenile Stakes Race na pinakawalan sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng apprentice rider na si Christian Advincula ay hindi man lang pinag pawisan si Every Sweat Counts na tila nag ensayo lang sa laban. Sa simula ay sinabayan kaagad ni Every Sweat Counts sa unahan ang matulin sa largahan na si Artsev, habang nasa likuran si Unli Burn. Pagsapit ng back stretch ay nagbabakbakan pa rin sa harapan sina Every Sweat Counts at Artsev, subalit papalapit ng far turn ay unti unting kumakalas ang ating bida. Pagdating ng huling kurbada ay walang pagbabago sa pagkakasunod ng mga kalahok, nasa unahan pa rin si Every Sweat Counts, kasunod si Artsev at bugaw si Unli Burn. Pagpasok ng home stretch ay ganado pa rin ang winning horse na si Every Sweat Counts kaya tuluyan ng namaga ang kanilang kalamangan habang parenda renda lang si Christian sa ibabaw nito. Sumegundo kay Every Sweat Counts si Artsev at si Unli Burn ang tumersero. Nirehistro ni Every Sweat Counts ang tiyempong 1:26.4 (13′-22-23′-27′) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na Swakto Elite Fitness, Inc. ang premyong ₱600,000 bilang kampeon.