NANUNUOD ka sa telebisyon upang magkaroon ng kaalaman o impormasyon, malibang at magsaya o kung ano mang dahilan depende sa programang iyong sinusubaybayan o tinatangkilik.
Pero mayroong nanunuod na kakaiba ang dahilan o ang pakay at iyon ay para manilip o alamin kung may nagagawang mali o paglabag ang isang palabas.
Ang siste na kahit maliit lamang ang ‘butas’ ay palalakihin kaya ang mga panatiko ng sinilipang programa ay aalma.
Maryosep, ang napakaliit na isyu ay gagawing kotrobersiya ng mga ‘huwad’ na manonood.
Natural lang naman na bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang gustong palabas batay sa paborito o hinahangaang television personalities.
Naniniwala tayo na malaking porsiyento ng bilang sa mga viewers na ang talagang pakay lamang ay maglibang o magsaya sa kung anong mga palabas ang kanilang tinatangkilik.
Pero kapag pumasok na ang mga ‘epal’ ay doon na makikita ang pagsasagutan ng mga komento lalo na sa social media.
Isa pang epal ay ang pagpapalabas ng survey sa kung anong palabas ang mas maraming viewers at sino o ano ang kulelat.
Kailangan pa ba ito?
Hindi ba pwedeng hayaan na lamang na maglibang at magsaya ang sambayanan alinsunod sa kani-kanilang sinusubaybayang palabas sa telebisyon.
Nag-aaway ang sambayanan at kanya-kanyang pagtatanggol sa mga paboritong personalidad sa telebisyon o sa mga programa.
Iisa ang mundong ginagalawan ng mga iyan kaya kahit paano ay magkakasama at magkakaibigan pa rin sila sa kabila na magkakaiba ng istasyon.
Kunsabagay, ganyan naman talaga na kahit nga sa larangan ng pulitika ay away-away ang taga-suporta na hindi naman lubos alam kung ang pinag-aawayan at ipinagtatanggol ng mga pulitiko ay magkaibigan pala.
Iba talaga ang salitang ‘silipan’ dahil napapaluwag o napapalaki ang napakaliit na butas.
Sa mga trabaho ay ganyan din dahil mayroong mahilig manilip na ayos lang sana basta para sa kabutihan at hindi sa kasamaan o kasakiman.