INIHAYAG ni Philippine National Police chief, General Rommel Marbil na hindi akma o hindi maganda sa uniporme ng pulis na may nakikitang tattoo ang nagsusuot nito.
Isa ito sa dahilan kaya naglabas ng kautusan ang hepe ng pambansang pulisya para sa pagtatanggal o pagbubura ng tattoo kung sila ay mayroon nito.
Nabatid na hanggang sa loob lamang ng tatlong buwan ang ibinigay na palugit ng PNP chief para sa pagbubura ng mga tattoo.
Ang hindi makakasunod sa nasabing kautusan ay sasailalim sa imbestigasyon at may posibilidad na maharap sa kasong administratibo.
Binaggit naman ng tagapagsalita ng PNP na ang mga nakalantad o nakikitang tattoo ang umano’y dapat tanggalin o burahin.
Dahil wala umanong kagamitan ang PNP Health Service kaya sariling gastos ng sino mang pulis na may tattoo ang pagpapabura nito.
Sakaling may health issue o medikal na dahilan kaya hindi makakasunod sa palugit na tatlong buwan ay maaari umanong mabigyan pa ng kaukulang panahon para sa pagpapatanggal ng tattoo.
Kailangan naman ng mga pulis na may tattoo na magsumite ng affidavit na nagdedeklara na ito ay hindi visible o hindi nakikita. RUBEN LACSA